106

By

Panelo sa nabiting 2019 budget: Dapat wala na lang pondo ang Kongreso

Kung ang Malacañang ang masusunod ay huwag na lang bigyan ng pondo ang Kongreso.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa harap ng patuloy na nakabinbing 2019 national budget dahil sa patuloy na iringan ng mga senador at kongresista.

Ayon kay Panelo, dapat mayroong isa na lamang na departamento na mangangasiwa sa lahat ng proyekto sa buong bansa at ang magiging trabaho na lamang ng mga mambabatas ay sabihin kung saan dapat lagyan ng proyekto.

Sinabi ng kalihim na dahil sa patuloy na girian ng mga mambabatas ay naho-hostage ang mga serbisyong dapat na matanggap ng mamamayan.

“Sometimes I’m thinking nga na dapat siguro wala nang pondo ang Kongreso. One time in a news briefing I said, there should be one department that should be responsible for all the projects all over the Philippines. Iyon lang ang trabaho nila, iikot sila para sabihin nila,” ani Panelo.

Kapag nangyari ito, sinabi ni Panelo na posibleng wala o iilan na lamang ang tatakbo sa Kongreso.

Matatandaang ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes ng gabi ang liderato ng Senado at Kamara sa Malacañang para ayusin ang gusot sa 2019 national budget subalit walang nangyari at hindi pa rin nagkasundo ang mga ito.

Hindi pa naisusumite kay Pangulong Duterte ang enrolled bill ng 2019 national budget dahil kinalikot umano ng liderato ng Kamara ang naipasang budget na inalmahan ng mga senador.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?