519
Panelo: Prangkisa ng ABS-CBN nakasalalay sa Kongreso, 'di kay Duterte
Jul 18, 2019 @ 16:54
By

Panelo: Prangkisa ng ABS-CBN nakasalalay sa Kongreso, ‘di kay Duterte

Kasunod ng pagkaka-renew ng mga prangkisa ng TV5 at Catholic Bishops Conference of the Philippines matapos ma-“lapse into law”, naitanong kay Presidential Spokesman Salvador Panelo ang tungkol naman sa franchise renewal ng ABS-CBN Corporation.

Ani Panelo, nasa Kongreso na ang pagdedesisyon tungkol doon at hindi kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“But ABS-CBN ang expiration next year pa eh, tsaka Congress naman. Nasa Kongreso ang bola niyan, hindi naman kay Presidente,” paliwanag ni Panelo.

Magugunitang sinabi noon ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-o-object siya sa franchise renewal ng ABS-CBN matapos hindi ipalabas ang 2016 campaign ads na binayaran niya, sa halip ang isinaere ay ang binayaran ng kritiko niyang si dating senador Antonio Trillanes IV na paninira sa kanya.

“Hindi ko palusutin. Iyong franchise niyo matatapos. But let me ask you questions first. Kasi ako talaga mag-object na ma-renew kayo. Alam mo bakit? Magnanakaw kayo, estapador,” sambit ng Pangulo.

Mag-e-expire ang franchise ng Kapamilya Network sa Marso 2020.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?