28

By

Palasyo: Tolentino hindi inudyukan sa emergency power ni Duterte

Itinanggi ng Malacañang na pinakiusapan nila si Senador Francis Tolentino para muling buhayin ang mungkahing bigyan ng emergency power si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na boluntaryo ang ginawang paghahain ng panukalang batas ni Tolentino para bigyan ng emergency power ang Pangulo sa layuning malutas ang malalang problema sa traffic sa EDSA.

Matagal na aniyang naririnig ni Panelo kay Tolentino ang pagnanais na mabigyan ng emergency power ang Presidente, kahit noong miyembro pa ito ng gabinete.

“Matagal ko nang naririnig sa kanya iyan eh, nung member of the cabinet pa siya. Sinasabi niya na, kailangan meron talagang ganoon, ” ani Panelo.

Matatandaang sa unang State of the Nation Address ni Pangulong DUterte noong 2016 ay hiniling nito sa Kongreso sa mabigyan siya ng emergency power para malutas ang problema ng traffic sa EDSA subalit kinontra ito ni Senadora Grace Poe dahil sa pangambang baka maibulsa lang ang pondong ilalaan dito.

Hindi naman ito nagustuhan ng Presidente kaya hindi na nito ipinursigi pa na mabigyan siya ng emergency power.

“Well, hindi ba the President wanted that at the very inception of his presidency, but congress did not. Di ba sabi niya, kung ayaw ninyo, di huwag,” dagdag pa ni Panelo.

Hindi naman masabi ng kalihim kung sesertipikahan ng Presidente bilang urgent bill ang panukala ni Tolentino na inaasahang makakatulong para malutas ang problema sa traffic at mga balakid na nakakaapekto sa pagtatayo ng mga imprastraktura.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?