63

By

Palasyo sa kampo ni VP Leni: EO 15 hindi kailangang amyendahan

Hindi kailangang amyendahan ang Executive Order No. 15 na nagtatatag sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD.

Sagot ito ng Malacañang sa tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez matapos kuwestiyunin ang puwestong ibinigay sa Pangalawang Pangulo para pangunahan ang kampanya kontra iligal na droga.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, mayroong kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na ireorganisa ang burukrasya kaya hindi kailangang amiyendahan ang EO sa ICAD.

Mali aniya ang pananaw ni Gutierrez matapos ihayag na walang posisyong co-chairman sa ICAD.

“No need to amend EO 15. The President has the continuing authority to reorganise the bureaucracy. Gutierrez is wrong,” ani Panelo.

Wala pang desisyon ang Pangalawang Pangulo kung tatanggapin o hindi ang posisyong ibinigay sa kanya ni Pangulong Duterte.

Batay sa pahayag ng tagapagsalita ni Robredo, “problematic” at hindi malinaw ang alok ng Presidente dahil walang nakasaad sa ICAD na posisyon para maging co-chairperson.

Sinabi ni Gutierrez na maaari lamang tanggapin o tanggihan kung ito ay seryosong alok.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?