39

Feb 20, 2020 @ 17:32
By

Palasyo handang-bigyan ng seguridad si Espenido

Nakahanda ang Malacañang na bigyan ng seguridad si Pol. Lt. Col. Jovie Espenido kung hihilingin ito ng opisyal.

Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, kasunod ng naging pahayag ni Espenido na nangangamba ito sa kanyang kaligtasan dahil baka posibleng patayin siya ng mga kapwa pulis.

Sinabi ni Panelo na hindi papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na masaktan o madisgrasya ang sino man, at kung nais ni Espenido ng proteksiyon sa kanyang seguridad ay maaari nitong hilingin gaya ng ibang mamamayan.

“The President will not allow anyone to be hurt or to be harmed outside of what is allowed by law – outside of legal processes or methods sanction by law. If Col. Espenido would want to ask for any protective measure from the government, then he can so request just like any other citizen,” ani Panelo.

Wala naman aniyang plano si Duterte na makialam sa ginagawang imbestigasyon ng Philippine National Police sa mga opisyal at tauhan nila na isinasangkot sa illegal drugs, pati na ang iniutos na gag order kay Espenido.

Sinabi ni Panelo na nananatili ang tiwala ni Pangulong Duterte kay Espenido at wala naman aniyang binabanggit ang Presidente para magduda sa integridad ng opisyal.

“Hindi pinapakialaman ni Presidente iyon basta trabaho nila. They should do their work. They cannot be relying on the President to instruct them what to do. Now, with respect to the gag order, according to General Gamboa, he will confront it. Meaning, he will investigate whether he violated the gag order or not,” dagdag pa ni Panelo.

Hindi umano nagustuhan ni PNP Chief Archie Gamboa ang tila pagsusumbong sa media ni Espenido kayat inihayag nito na kakastiguhin nito ang opisyal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?