298

By

‘Pahalagahan ang trabaho’ – farewell speech ni Mayor Tiangco

“Mahalin ninyo ang inyong trabaho,” ito ang paalala ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa mga kawani ng Navotas City Hall sa naganap na flag raising ceremony nitong Lunes kung saan sinabay na nito ang kanyang farewell speech bilang pagtatapos ng kanyang termino.

“Pahalagahan ninyo ang inyong trabaho at gawin ninyo ito nang tama. Hindi lahat ay nabibigyan ng karangalan at pagkakataon na makapaglingkod sa kapwa at makatulong na mabago ang kanilang buhay,” ayon pa sa alkalde.

Nagpahayag ng pasasalamat si Tiangco sa lahat ng mga kawani ng gobyerno at iba pang stakeholders na kanyang nakasama sa loob ng siyam na taon niyang paninilbihan bilang alkalde ng Navotas.

Ayon sa kanya, ang walang sawang suporta ng mga taong ito ang dahilan kung bakit naging napakalaki ng pag-unlad ng mga sektor ng kalusugan, edukasyon, kabuhayan, kapayapaan at kaayusan, at pabahay.

Sa termino ni Tiangco, ilan pang health facilities ang naipatayo kasama na ang hemodialysis center, physical rehabilitation centers sa Brgy. Tanza 1 at NBBS Kaunlaran, at karagdagang mga health centers.

Sa sektor ng kabuhayan, binuo ni Tiangco ang NavotaAs Hanapbuhay Center noong 2011 na nagbibigay ng mga serbisyong Tulong Trabaho, Tulong Negosyo, Tulong Puhunan, Tulong Kooperatiba at Tulong Produkto. Ilan sa naging benepisyaryo ng programa ay mga tricycle driver na nakapag-loan ng pambili ng sarili nilang mga 4-stroke motorcycle.

Sa loob ng siyam na taong termino ni Tiangco, nakatanggap ang Navotas ng maraming pagkilala, ang ilan sa mga ito ay Seal of Good Housekeeping, 2011 at 2012; Seal of Good Local Governance, 2015 at 2017; Unqualified Opinion mula sa Commission on Audit, 2016, 2017 at 2018; Seal of Good Education Governance, 2018; at Galing Pook Award para sa programang ACHIEVE o Accessible, Holistic and InclusiVe Education, 2018.

Opisyal na lilisanin ni Mayor Tiangco ang kanyang tanggapan sa Linggo na uupo naman bilang bagong halal na alkalde ang kanyang kapatid na si Toby Tiangco.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?