165

Mar 20, 2019 @ 13:37
By

Pagtulong ni Duterte sa mga biktima ng Yolanda, itutuloy ni Bong Go

Tiniyak ni dating Special Assistant to the President at senatorial candidate Bong Go sa mga biktima ng Yolanda sa Tacloban City na siya ang kanilang magiging tulay kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Binisita ni Go ang mga taga-Tacloban nitong Martes at siniguro sa mga residente maipaparating nito kay Pangulong Duterte ang kanilang mga mensahe at concern.

Sa kanyang talumpati, inalala ni Go ang ginawang pagbisita nila ng Pangulo sa Tacloban City pagkatapos manalasa ang bagyong Yolanda at napaiyak aniya ang Presidente sa kalunos-lunos na nadatnan nila noon sa lungsod.

Dahil dito, sinabi ni Go na itutuloy niya ang sinimulan ni Pangulong Duterte na pagtulong sa mga taga-Tacloban para sa tuloy-tuloy na pagbangon ng mga ito.

“Saan man po ako ipadpad ng aking tadhana patuloy niyo po akong magiging tulay kay Pangulong Duterte,” ani Go.

Itutuloy din aniya ng dating kalihim ang kanyang adbokasiya para tulungan ang mga nangangailangan.

Bagama’t abala sa pangangampanya, bumibisita si Go sa mga mahihirap na komunidad para tingnan ang kanilang sitwasyon at makinig sa kanilang mga problema at pangangailangan.

“Kahit saang eskinita papasukin ko para lang marinig kayo. Minsan lang tayo daraan sa mundo kaya anumang kabutihan na pwedeng gawin natin sa kapwa, gawin na natin,” dagdag pa ni Go.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?