111

Feb 27, 2020 @ 19:40
By

Pagtanggap ni Duterte sa sorry ng ABS-CBN, ‘di garantiya ng franchise renewal

Hindi pa rin garantiyang makukuha ng ABS-CBN ang renewal ng prangkisa nito sa pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sorry o paumanhin ng naturang TV network.

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, ang pagtanggap ng Pangulo sa sorry ng TV network ay pinatunayan lamang umano ito na hindi lamang siya relihiyoso kundi isa lang siyang tao.

“I’m very happy na napatawad na ng ating Pangulo. Because I’ve always told you, he’s a spiritual person, hindi lang siya religious and he’s a just person,” ayon kay Cayetano.

Pinakita rin umano ng Pangulo na hindi siya nakikialam o nanghihimasok sa Kongreso partikular sa paraan ng paghawak sa usapin ng ABS-CBN franchise renewal.

“I’ve always said it’s not only about the President, it’s never been, wala namang utos, hindi naman direction ng Pangulo ‘yung ating… how we’re handling the ABS issue,” ayon kay Cayetano.

Gayunpaman, paglilinaw ni Cayetano, ang pagtanggap ng kapatawaran ay hindi naman nangangahulugan na tapos na ang usapin at garantiya sa pagbibigay ng panibagong prangkisa sa halip ito na ang daan para dinggin at alamin ang mga pagkakamali na dapat ireporma at ituwid ibang basehan na rin sa pagbibigay ng panibagong prangkisa.

“So in our hearings, we will tackle all issues: mga empleyado, how and if and why nakialam ang ABS-CBN management noong 2010 and 2016 elections. But more importantly if we grant them the franchise for the next 25 years, anong reforms ang gagawin nila to make sure na patas ang coverage at hindi sila makikialam sa eleksyon,” ayon kay Cayetano.

Tiniyak ng House leader na magiging patas ang pagdinig at anuman ang mabubuong desisyon ay makatuwiran at makatarungan.

Magugunitang isa sa sinasabing nilabag ng naturang network ay ang Fair Election Act matapos na may kilingan o paboran umano itong ilang kandidato noong 2016 presidential election.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?