40

Mar 9, 2020 @ 22:39
By

Pagsumite ng narco cop list naantala ng chopper crash – Gamboa

Mapagpapaliban ang pagsumite at rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) sa listahan ng mga narco cop dahil sa naganap na helicopter crash kamakailan.

Sa isinagawang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP chief General Archie Francisco Gamboa na ang listahan na ipapasa nila kay Pangulong Rodrigo Duterte ay bahagyang maaantala dahil sa naganap na pagbagsak ng chopper noong nakaraang Huwebes sa San Pedro, Laguna lulan mismo ni Gamboa at ng ilang mga senior officer ng pulisya.

Paliwanag pa ni Gamboa, ang listahan ay dapat naipasa na sa Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong nakaraang Linggo.

Ang nasabing presentasyon ay dapat ay hawak na ni PNP Deputy chief for Administration Lt. General Camilo Cascolan at Major General Mariel Magaway na namuno sa adjudication process, subalit si Magaway ay kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon dahil sa chopper crash.

“Pero you know, because of the incident, probably I will explain to the President na medyo ma-delay lang sya,” hayag ni Gamboa sa mga reporters.

Sinigurado naman ni Gamboa na maisusumite sa Pangulo ang listahan bago matapos ang dalawang linggo mula ngayong Lunes, Marso 9.

Kinakailangan lang muna aniyang makita ng DILG ang nasabing listahan bago ito ibigay sa Pangulo.

Ang komposisyon ng national adjudication board ay partikular sa mga background check, SALN, at lifestyle check ng isang pulis na nasa listahan bilang narco cop.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?