170
Pagod na! Inday Sara gusto nang iwanan ang HNP pagkatapos ng halalan

Pagod na! Inday Sara gusto nang iwanan ang HNP pagkatapos ng halalan

By JOHN CARLO M. CAHINHINAN

KORONADAL CITY, South Cotabato – Pinagiisapan na umanong iwan ni Davao City Mayor Sara Duterte ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) pagkatapos ng halalan sa Mayo.

Sa isang panayam sa Lungsod ng Koronadal nitong Miyekules, iginiit ni Mayor Sara hindi niya inakalang napakahirap pala ng kanyang papel sa partido hindi lamang bilang tagapangulo ng HNP, kundi maging ang isa niya pang tungkulin bilang campaign manager ng mga senatoriable na sinusuportahan ng kanyang grupo.

“Sa totoo lang, ngayon pa lang pinagiisapan ko na talaga na iwanan yung HNP kasi pagod na talaga ako sa ano (role) na ito sa elections,” paliwanag ni Mayor Sara.

Paliwanag ng Presidential daughter, bilang pinuno at campaign manager ng Hugpong ay ramdam niya ang bigat ng mga resposibilad na naka-atang sa kanyang mga balikat lalo pa’t isa siya sa matunog na posibleng pumalit sa kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos ng kanyang termino sa Malacañang tatlong taon mula ngayon.

“Akala ko madali lang, kasi sa Davao (region) naman kasi madaling kausap mga politicians. Pero kapag ganyan na pala ka-laki tapos iba-iba yung caracas ng mga tao, mahirap pala talaga siya,” giit ni Mayor Sara.

“Sila naka tingin lang sa akin. Lahat sila nag-aantay sa akin.”

Dagdag pa ng akalde ng Lungsod ng Davao, hindi niya pa masabi sa ngayon kung ano nag kahihinatnan ng hinaharap ng HNP pagkatapos ng halalan sa Mayo dahil magpasa-hanggang ngayon ay tutol pa rin siya itong i-akyat bilang isang “national political party.”

“Hindi ko alam, hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa amin after (elections),” saad ng anak ng Pangulo

Una ng sinabi ng Presidential daughter na ang halalan sa Mayo 13 ang magiging ‘test case’ umano ng HNP kung balak nila itong gawing partido pulitikal sa buong bansa.

Aabot sa hanggang siyam na senatorial bets na suportado ng Hugpong ang posibleng pumasok sa Magic 12 sa susunod na buwan kung pagbabasehan ang pinakabagong senatorial survey na kinalap ng Pulse Asia nitong Marso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?