19

By

Pagmumura ni Guiao, kinasasabikan ni Cruz

Kung may isang nami-miss si Jericho Cruz kay Yeng Guiao, ‘yun ay ang mura ng seryosong coach.

Kahit nagbibiro ang 28-anyos na guard, maririnig na ulit niya ‘yun dahil magkakaroon ng second chapter ang samahan nila ng dating coach.

Mula TNT KaTropa, napadpad na ng NLEX si Cruz via NorthPort.

Wala pa si coach Yeng, nakabakasyon, pero pumunta na si Cruz sa ensayo ng Road Warriors.

Kilalang maanghang magsalita si Guiao, direkta. Kahit ang kanyang players, madalas niyang nasisigawan.

Bahagi ng disiplina na nakuha ni Cruz nang magkasama pa sila sa Rain or Shine.

Mula Adasmon, tinapik ng Elasto Painters si Cruz bilang 9th pick overall noong 2014. Lumipat sa NLEX si Guiao noong 2016, makalipas ang dalawang taon ay pinamigay sa TNT ang 6-foot-1 guard.

“Kung saanman ako ngayon, dahil kay coach Yeng,” ani Cruz. “Siya ‘yung bumuhay ng career ko sa PBA.”

Sa nakaraang Philippine Cup, nilagay ng TNT si Cruz sa injured/reserved list, kalaunan ay naging free agent na at hindi na pinapunta sa mga ensayo.

March pa siya huling nakita sa court.

Nang mapunta sa KaTropa, nabanggit na ni Cruz na gusto niyang mapasailalim kay Guiao ulit.

Natupad ‘yun.

Martes, sumipot na si Cruz sa ensayo ng Road Warriors. Sa Biyernes kontra Magnolia ang susunod na salang ng NLEX, huling laro na wala si Guiao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?