54

By

Pagkakamali ni Gallego, ‘di ininda ng NU Bulldogs

Kahit na nakaapekto sa panalo ng NU Bulldogs ang pagkakamali ni JV Gallego sa huling saglit, umaapaw pa rin ang suportang nakukuha niya sa kanyang mga teammate at coach.

Pagkakataon na sanang makasungkit ng panalo ang NU matapos maibaba ng magkapatid na Ildefonso ang kalamangan ng UP Maroons sa isa, 88-89.

Ngunit imbis na tumira sa ilalim mg basket, nagawa niyang ipasa kay Dave Ildefonso ang bola ngunit naubusan na sila ng oras.

Pagkatunog ng huling buzzer, napaiyak na lang sa tabi si Gallego ngunit pinuntahan naman siya ng kanyang mga teammates.

“Sad pero alam kong nandiyan teammates ko,” sabi ni Gallego.

Hindi rin sinisi ni NU head coach Jamike Jarin ang naging desisyon ni Gallego sa clutch time, at naiintindihan niya na nagkamali lang siya.

“He saw that Dave was free and he had a chance to win it, but hey, all of us make mistakes. That’s the part of the growth of everybody,” saad ni Jarin.

Ngunit maganda rin ang ipinakita ni Gallego dahil nagtala siya ng 13 points at four assists sa kanilang laro.

“Kailangang mag-step up eh. ‘Yung starting point guard namin si Enzo medyo wala siya, so pagkabunot sa akin ni coach [Jarin] talaga ready lang dapat,” wika niya.

Hindi rin niya maiiwasang malungkot sa sarili dahil siya ang naging sanhi nang pagkatalo ng NU, ngunit nangako siyang babawi sa susunod at matututo siya sa kanyang pagkakamali.

“Heads up lang. Actually, pagka-buzzer, nakita niyo naman na iiyak talaga ako, pero lahat sila, pumunta sa akin,” paliwanag niya.

“Nandun sila lahat kaya sobrang laking tulong for me. Sana, tuloy-tuloy lang ‘tong performance ko.” panapos ni Gallego.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?