173

Pagiging mastermind ni Mayor Baldo, siniguro ni Año

Tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na mayroon silang malakas at matibay na ebidensiya sa pagsasampa ng kasong double murder at multiple frustrated murder laban kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo bilang mastermind sa pagpatay kay Congressman Rodel Batocabe.

“Nasa kustodiya na ng PNP ang eyewitness at mga ebidensiya na tumutukoy sa alkalde na siyang mastermind ng pagpatay. Kaya kami ay mayroong malakas na kaso na aming patutunayan sa korte. Sa katunayan, naghain na kami ng kasong double murder at multiple frustrated murder laban kay Baldo at iba pang mga suspect,” ayon kay Sec. Año.

Dahil sa mabilis na pagresolba sa kaso, pinuri ng kalihim ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni P/Director General Oscar Albayalde, ang Police Regional Office 5, PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at PNP Intelligence Group.

Kasabay nito, sinabi ng DILG chief na magkakaroon din sila ng pagpupulong sa National Police Commission (NAPOLCOM) kung saan siya ang chairperson upang bawiin at kanselahin ang kapangyarihan ni Baldo bilang mayor sa mga opisyal at tauhan ng Daraga Police Station.

Binigyang-diin pa ng kalihim na sana ay maging babala ito sa mga politiko na huwag takutin, gipitin o gumawa ng karahasan laban sa kanilang mga katunggali sa politika sa darating na eleksyon dahil tutugisin sila ng DILG, PNP upang magkaroon ng hustisya.

Aniya, ang PNP ngayon ay nasa heightened alert upang masubaybayan ang mga gawain ng lahat ng mga kandidato sa darating na halalan.

Puspusan din umano ang pagkilos ng DILG, PNP laban sa mga private armed groups ng mga politiko at sa pagkansela ng mga lisensya ng baril ng mga taong lumalabag sa batas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?