106
Paghakot sa basura ng Canada, maaantala - Palasyo
By

Paghakot sa basura ng Canada, maaantala – Palasyo

Hindi nakatugon ang gobyerno ng Canada sa itinakdang deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte na Mayo 15 para hakutin pabalik sa kanilang bansa ang mga basurang itinapon sa Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na may ilang dokumentasyon pang tinatapos ang Canada bago mahakot pabalik sa kanila ang mga basurang itinapon sa bansa sa pamamagitan ng container vans.

Ayon kay Panelo, nag-abiso ang embahada ng Canada sa Department of Foreign Affairs (DFA) na maaantala ng bahagya ang kanilang gagawing aksyon.

Maiintindihan naman aniya ni Pangulong Duterte kung bahagyang maantala ang paghahakot , basta ang mahalaga ay tumugon na ang Canada na dapat ibalik sa kanilang bansa ang itinapong basura sa Pilipinas noong 2013 hanggang 2014.

“Ang sabi ng DFA baka there might be a slight delay because of certain documentation. So kung slight delay lang naman eh the President is very reasonable man. What is important is they will take back their trash,” ani Panelo.

Hindi na aniya kailangan pang magtakda ng panibagong deadline ang Pangulo dahil pinoproseso na ang paghahakot.

Matatandaang nagbanta si Pangulong Duterte na ipapasakay niya sa barko ang mga basurang itinapon ng Canada pabalik sa kanilang bansa at itatapon ito sa kanilang mga beach kapag hindi hinakot ang mga ito hanggang sa Mayo 15.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?