249

Feb 19, 2020 @ 17:11

Pagdinig sa franchise renewal ng ABS-CBN aprub ni Duterte – Go

Nagbago na ang tindig ni Presidente Rodrigo Duterte matapos sabihan ang House franchise committee na ‘wag dinggin ang pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN Corporation.

Sa kanyang dating special aide, hinimok ni Senador Bong Go ang Kamara na simulan na ang mga pagdinig sa 11 panukala na layong i-renew ang 25-taong prangkisa ng TV giant na mapapaso sa Marso 30.

“Pag lalo nating pinatatagal, mas lalong umiinit ang issue. Ito naman ang proseso: pag-usapan n’yo, ipapadala dito sa Senado, then the President will decided, hayaan natin siya ang magdesisyon [kung i-]approve or exercise his power to veto,” ani senador.

“Dapat na rin nilang itackle ito sa Lower House. Congressmen just vote according to your conscience, hopefully it is for the interest of the Filipino people,” wika pa niya.

Tinanggi naman ni Go na ginusto ni Duterte na magsara ang ABS-CBN.

“Wag mo naman sabihing ayaw ni Presidente na ayaw nya i-renew. Vocal sya sa kanyang sama ng loob pero wala siya inuutos kahit kanino,” giit ni Go.

“Antayin na lang po natin sa mga susunod na araw kung ano po ang magiging desisyon at sentimyento ng Presidente, but knowing the President; ‘di naman siya vindictive,” dagdag pa niya.

Nasa 11,000 empleyado ang mawawalan ng trabaho sakaling tuluyang magsara ang ABS-CBN.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?