66
ABANTE-TNT-napoles-discount
By

Pagdinig ng Sandigan sa plunder case, pinahaharang ni Napoles

Dumulog na sa Korte Suprema ang abogado ng tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim Napoles.

Ito’y upang pigilan ang Sandiganbayan sa pagpapatuloy sa pagdinig sa kaso dahil sa pagtanggi nito na ipatupad ang tinatawag na main plunderer requirement sa plunder case na kinasangkutan din ni dating senador Jinggoy Estrada at ng iba pang akusado sa kaso.

Nilalaman ito ng 100-pahinang petisyon ni Napoles na pirmado ng kanyang bagong abogadong si Atty. Rony Garay.

Idiin ng kampo ni Napoles na sa kasong plunder isang public officer ang main plunderer at hindi isang pribadong indibiduwal gaya ni Napoles ang dapat na kasuhan o ma-convict bilang pangunahing mandarambong kung nabigong pangalanan sa inihaing reklamo kung sino ang talagang main plunderer.

Naniniwala naman ang kampo ni Napoles na nagkaroon ng pagmamalabis sa kapanyarihan ang mga mahistrado ng Sandiganbayan nang tukuyin nito ang Supreme Court ruling sa plunder case na kinasangkutan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kung saan tinukoy ng SC ang main plunderer requirement.

Sa Per Curiam Resolution na may petsang June 13, 2019 na nagbabasura sa Demurrers to Evidence ng mga akusadong sina Estrada at Napoles, tumanggi ang Sandiganbayan na i-apply o ipatupad ang GMA ruling.

Dahil dito, sinabi ng abogado ni Napoles na isa itong malinaw na grave abuse of discretion sa panig ng Sandiganbayan.

Naniniwala rin si Atty. Garay na ang malabong paggamit ng mga pananalita sa orininal na reklamo o information ay walang bisa at walang hurisdiksyon dito ang anti-graft court para dinggin ang kaso.

Sinabi pa ng kampo ni Napoles na ang lahat ng ebidensiya ng prosekusyon ay nabigong tukuyin ang main plunderer sa kaso.

Nais din ng petitioner na mag-isyu ang SC ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction para pigilan ang anti-graft court na ipagpatuloy ang pagdinig sa kaso. (Anne Lorraine Gamo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?