34

By

Pagdagsa ng mga estudyanteng pasahero, inaasahan na ng PNR

Positibo ang Philippine National Railways (PNR) na mas darami ang mga pasahero nilang estudyante dahil sa libreng sakay na inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay PNR spokesperson Joseline Geronimo, may itinakdang oras ang PNR para matamasa ng mga mag-aaral ang libreng sakay.

Apat na tren ang bibiyahe araw-araw mula 5:00-6:00 am at limang tren naman ang bibiyahe mula 3:00-4:00 pm.

Aminado si Geronimo na may epekto sa kita ng PNR ang libreng sakay pero hindi naman daw masasaktan nang husto ang kanilang railway system.

Hinimok din niya ang estudyante na patuloy na tangkilikin ang PNR kahit sa oras na hindi libre ang pamasahe.

Pinakamarami umano nilang pasahero araw-araw ay mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines at University of Santo Tomas.

Kinumpirma naman ni Geronimo na sa Hulyo ay darating ang isa hanggang dalawang bagong tren ng PNR na kabilang sa siyam na bagong train sets na inaasahang makukumpleto sa Disyembre.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?