165

By

Pagbalik apelyido ng mga kababaihang kinasal, niluluto ni Lapid

Nais ni Senador Lito Lapid na mapadali para sa mga kababaihan na muling maibalik ang kanilang mga apelyido, na napapalitan sa oras na ikasal, nang hindi na dumadaan sa mahal na proseso sa korte.

Sa Senate Bill No. 985 ni Lapid na may bansag din na Reversion to Maiden Name Act, maipapatupad ang pagpapabilis sa pagbabalik ng maiden surname para tuluyang maging independent ang mga kababaihan,

Sa kasalukuyang batas, hindi required na magpalit ng apelyido ang mga kababaihan na kinakasal, ngunit dahil sa ilang polisiya ng ibang government agency ay napipilitan na magpalit ng apelyido para maayos ang mga dokumento.

“Sa ilalim ng kasalukuyang batas, hindi papayagang magpalit ng apelyido ang isang babae sa kanyang pasaporte kahit na hindi na sila nagsasama ng kaniyang asawa. Pwede lamang baguhin ang apelyido ng isang babae sa kanyang pasaporte kung namatay na ang kanyang asawa, di kaya naman sila ay annulled na sa korte, o kung ikaw ay ikinasal sa ibang bansa at nakipagdiborsiyo sa iyo ang iyong foreigner asawa,” ayon sa mambabatas.

Dagdag pa niya, “Ang ganitong klase ng napakahigpit na panuntunin ay nakakahadlang naman sa karapatan ng ating mga kababaihan. Ang piliing bumalik sa dati niyang apelyido ay dapat maging bukas na opsyon sa mga babae.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?