59

By

Pag-iingay ng mga talunan na ‘nadaya’ , hindi na ikinagulat ng Malacañang

Inaasahan na ng Malacañang ang pag-iingay ng ilang makakaliwang grupo na nadaya sila sa katatapos na eleksyon matapos makakuha ng maliit na porsiyento ng mga boto ang kanilang mga party-list group at kanilang pambato sa pagka-senador.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang pagkatalo ng ilang left-leaning party-list group ay isang malinaw na patunay na hindi naniniwala ang mga tao sa kanilang adbokasiya, lalo na sa pag-iingay nila sa war on drugs, extrajudicial killings, South China Sea issue at iba pa.

“We expect the likes of Bayan Secretary-General Renato Reyes to cry ‘cheating’ and question the ‘Duterte magic’ following the crushing defeat of many left-leaning party-list groups and their candidate for senator, Mr. Neri Colmenares, in this year’s elections,” ani Panelo.

Dapat aniyang magsilbing wake-up call sa grupo ni Reyes ang hindi pagsuporta ng publiko sa kanilang adbokasiya at pag-aralan ang kanilang mga naging aksiyon sa halip na mag-akusang dinaya sila ng Duterte administration.

Binigyang-diin ni Panelo na hindi kailanman makikialam si Pangulong Duterte sa proseso ng halalan at katunayan ay karamihan sa mga commissioner ng Commission on Elections ay appointees ng nakalipas na administrasyon kaya malabong magkaroon ng dayaan.

Kabilang sa mga grupong manipis ang nakuhang boto sa katatapos na eleksiyon ay ang Gabriela, Anakpawis at Alliance of Concerned Teachers.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?