66

Sep 9, 2019 @ 18:45
By

Pag-atake sa Abante, isang pananakot – Poe

Kinondena ni Senadora Grace Poe ang tahasang pag-atake at panununog sa printing press ng pahayagang Abante sa Sucat, Parañaque City nitong Lunes ng madaling-araw.

“Malinaw itong pananakot, hindi lamang sa Abante, kundi sa mga mamamahayag na nagbabalita lamang ng impormasyon at nagsisiwalat ng korapsyon at maling gawain ng iba’t ibang tao, kabilang na ang mga tiwali sa gobyerno,” sabi ni Poe sa isang statement.

Nanawagan pa ang senadora sa mga awtoridad na magkaroon ng masusing imbestigasyon sa insidenteng ito para mapanagot ang may kagagawan sa naturang insidente.

“Sana’y mabigyan din ng karampatang tulong sa lalong madaling panahon ang mga empleyado na nasaktan sa insidente,” saad ni Poe.

“Huwag tayong matakot na magpahayag para sa katotohanan at para sa bayan,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?