66

Dec 13, 2019 @ 11:12
By

P88K shabu nasamsam, 6 nasa watchlist swak sa Pasay

Anim na nasa drug watchlist, kabilang ang dalawang drug den maintainer, ang naaresto ng Pasay City Police sa ikinasang search warrant operation sa lungsod nitong Miyerkules ng hapon.

Kinilala nina P/Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, at Director III Joel Plaza, Regional Director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO-NCR, ang mga naarestong suspek na sina Joseph Cual Sabio, alyas “Babagie,” 26, drug den maintainer; Aljerico Quiacson Sabio Sr., alyas “Tatay”, 56, drug den maintainer; Aljirico Cual Sabio Jr., 32; Jackson Quiacson Sabio, 44; Cesar Cadiz Romero, 26, at Edmar Quiacson Sabio, 26, pawang nakatira sa Barangay 201, Pasay City.

Batay sa report, nagsilbi ng search warrant ang mga operatiba ng Pasay City Police, PDEA RO-NCR Southern District Office (SDO), kasama ang 301st Special Mission Group 300 Air Intelligence and Security Group Wing sa bahay ni alyas “Babagie” sa Merville Access Road, Barangay 201 sa nasabing lungsod na ikinaaresto ng anim na suspek dakong alas-4:30 ng hapon, Disyembre 11.

Nabatid na target sa naturang operasyon sina Babagie at Tatay dahil sa pagkakasangkot umano ng dalawa at kanilang mga kasabwat sa talamak na bentahan ng iligal na droga sa kanilang komunidad.

Nakumpiska sa gitna ng operasyon ang 14 pakete na naglalaman ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu na tumitimbang ng 13 gramo at nagkakahalaga ng P88,400 at ilang drug paraphernalia.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa nasabing himpilan ng pulisya at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Section 6 (Maintenance of Drug Den), Section 7 (Visitors of a Drug Den), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia) ng Article II, Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?