42

By

P75B sa 2019 budget, hindi na makokontrol nina Diokno, Nograles – Lacson

Hindi sinakyan ni Senador Panfilo Lacson ang alegasyon ni House Appropriations Committee chairman Rolando Andaya na kokontrolin nina Budget Secretary Benjamin Diokno at Cabinet Secretary Karlo Nograles ang P75 bilyong bahagi ng panukalang 2019 national budget na pagkukunan ng pork barrel ng mga senador at kongresista.

Ayon kay Lacson, malabo itong magawa nina Diokno at Nograles dahil hindi lang sila ang rerepaso sa panukalang pambansang badyet na inaprubahan ng Kongreso.

Idiniin na makakasama ng dalawang kalihim ang buong economic team o ang mga bumubuo ng Development Budget Coordinating Council (DBCC).

Kabilang dito ang mga kalihim ng Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, National Economic Development Authority at namumuno sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Matatandaan na inamin ni Diokno na siya ang nagpadagdag ng P75 bilyon sa 2019 budget ng DPWH na tinadtad naman sa Kamara at pinagkunan ng pork barrel allocation para sa mga mambabatas.

Hinihinala ngayon ni Andaya na puntirya iyon ng tambalang Diokno at Nograles para hindi masunod ang ginawa ng Kongreso sa nasabing halaga.

“It’s not just Secretary Diokno kasi may DBCC. So economic team ang titingin diyan and they will decide among themselves kung ano ang nararapat gawin sa P75B. Kasi alam nating hindi rin properly distributed ang P75B budget adjustment na ginawa ni Secretary Diokno. At alam sa Cabinet yan,” ani Lacson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?