11

Jan 21, 2020 @ 17:38
By

P714K shabu nasabat sa 2 tulak ng Caloocan

Nadakip ng mga tauhan ng Caloocan City Police ang dalawang tulak matapos makuhanan ng P714,000 halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation sa San Jose Del Monte, Bulacan, Martes ng madaling araw.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ni PCol. Noel Flores, hepe ng Caloocan City Police, nakilala ang mga suspek na sina Rommel Esminda, 40-anyos, at Dennis Hizon, 39 anyos, kapwa residente ng Barangay Kaypian.

Isinagawa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Station Special Operation Unit (SSOU) sa pangunguna ni PCapt. John David Chua ang buy-bust operation laban sa dalawang kinikilalang tulak ng iligal na droga sa bahay ng dalawa sa Bulacan, bandang 12:30 ng madaling araw, Enero 21.

Isang police poser-buyer ang nakipagtransaksyon sa isa sa mga suspek para makabili ng droga, at nakumpiska sa kanila ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu na nasa 105 gramo at nagkakahalaga ng P714,000. at P1,000 buy-bust money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Caloocan detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?