60

Feb 20, 2020 @ 17:24
By

P68.91B nawala sa ‘Pinas nung Enero – BSP

Nasa $1.36 bilyon o P68.91 bilyon ang kabuuang nawala sa ekonomiya ng Pilipinas nung Enero 2020.

Ang tinatawag na balance of payments (BOP) ay ang talaan ng lahat ng mga dolyar at iba pang foreign currency na pumapasok at lumalabas sa bansa. Kasama sa bilangan ang remittances ng mga overseas Filipino worker, lahat ng mga inaangkat at ine-export, mga pinapasok o nilalabas na investments, at ang mga binabayad ng pamahalaan para sa foreign debt.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nagka-deficit na $1.36 bilyon sa BOP dahil binawi ng mga foreign investor ang pinuhunan nila sa stock market at nagbayad ang pamahalaan ng foreign debt.

Lumaki ang utang ng Pilipinas simula nang umupo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang. Mula sa katapusan ng 2016 hanggang 2019, mahigit P1 trilyon na ang nadagdag sa utang ng bansa na umabot na sa P7.78 trilyon.

Dahil sa BOP deficit, bumaba ang gross international reserves o ang ginto, dolyar at iba pang foreign currency sa bansa sa $86.87 bilyon nung katapusan ng Enero, mas mababa kaysa sa $87.84 bilyon na itinala nung Disyembre 2019.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?