113

By

P47 bilyon para sa paglilinis ng Manila Bay, aprub kay Duterte

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalaan ng pondo para magamit sa paglilinis sa Manila Bay.

Kasunod ito ng ginawang Cabinet meeting sa Malacañang Lunes ng hapon at kauna-unahang pulong ng gabinete para sa 2019.

Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, aabot sa P47 bilyon ang ilalaan para sa rehabilitasyon ng Manila Bay na tatagal ng pitong taon.

Saklaw ng gagawing paglilinis ang rehabilitasyon sa Manila Bay at ang paglilinis sa mga estero at paglilipat ng mga informal settler.

Pero nilinaw ni Diokno na ang nabanggit na halaga ay nakabatay sa taon-taong paglalaan ng pondo ng pamahalaan.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kukunin ang pondo sa road user’s tax.

“That’s only part of the road user’s tax. Malaki ‘yung pondo that’s why nga earmarked doon ‘yung rehabilitasyon sa winasak ng Typhoon Usman, hospitals, typhoon victims,” ani Panelo.

Sa sandali aniyang mabuwag ang Road Board, ang pondo ay ilalagay sa National Treasury at kailangang gumawa ng batas ang Kongreso para ilipat ang pondo sa Department of Public Works and Highways o Department of Agriculture.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?