48

Jan 16, 2020 @ 19:51
By

P35K natangay! LV wallet nadale sa bus

Umuwing luhaan ang isang negosyante matapos madukutan at nakuha ang kanyang mamahaling Louis Vuitton wallet na may lamang cash, dollars, at mga card sa loob ng isang pampasaherong bus, Miyerkules ng gabi sa Mandaluyong City.

Nagsagawa na ang Eastern Police District (EPD) ng follow-up operation para matukoy ang mga salising nananamantala sa mga pampasaherong sasakyan.

Ayon sa biktimang nakilalang si Maria Socorro Malitao, 58-anyos na businesswoman, sumakay siya ng Kellen airconditioned bus patungong Barangay Tungko sa San Jose Del Monte, Bulacan bandang 9:05 ng gabi, Enero 15, sa Boni EDSA North Bound, Barangay Barangka Ilaya, Mandaluyong City.

Siksikan umano ang bus at nakatayo siya nang biglang may humila sa kanyang buhok na umano’y sinadya para hindi niya mamalayan ang pagkuha ng kanyang wallet sa loob ng bag.

Nagawa pang magalit ng biktima at kumampi sa kanya ang ilang pasahero, na napag-alamang kasabwat pala ng mga mandurukot at sabay-sabay na bumaba ng bus. Doon na niya nakita na nakabukas ang kanyang bag.

Nakuha mula sa biktima ang isang LV wallet na naglalaman ng RCBC credit card, China Bank ATM card, Sterling Debit Card, Union Bank Get Go debit card, PNB debit card, UMID card, Voter’s ID card, Pag-ibig loyalty card, Robinson’s card, Puregold card, SMAC card, Starbucks card, Shakeys card, Jollibee card, MAX’s card, Coffee Bean card, Wise card, Petron value card, at iba pang discount privilege card, at cash na P20,000 at $300.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?