23

By

P21.7M para sa mga mangingisda, magsasaka na biktima ng Taal, itutulong ng DA

Nasa P577.6 milyon na ang nalugi sa mga mangingisda at magsasaka sa Calabarzon simula nang nagbuga ng abo at usok ang bulkang Taal nung Linggo.

Ayon sa Department of Agriculture, 2,772 hektaryang lupa na ang tinamaan at 1,967 na ng mga alagang hayop tulad ng baboy at baka ang namatay, at 15,033 toneladang isda ang mawawala dahil inaasahan nitong magka-fish kill sa Taal Lake dala nang binulwak na sulfur sa lawa ng bulkang Taal.

Sabi ng DA, naghahanda na ito ng P21.7 milyong halagang tulong sa 17 apektadong mga bayan kung saan ang mga mangingisda’t magsaska ay nawalan nang higit na sa kalahating bilyong piso.

Ang tinatawag nitong intervention ay ipapamahagi sa mga local government units ng: Agoncillo, San Nicolas, Talisay, Lemery, Laurel, Lipa City, San Jose, Nasugbu, Mataas na Kahoy, Balete, Cuenca, Alitagtag, Padre Gacia, Tanauan City, Malvar at Taal. Ang tulong na ipapamahagi ng DA ay mga aalagaang hayop, rice and corn seeds, at iba pang mga pananim na kailangan pang palakihin at alagaan bago maani.

Ang Bureau of Plant Industry naman ay mamimigay ng 5,000 coffee mother plant at 1,000 cacao seedling na hindi pa maitatanim sa ngayon at kailangang alagaan pa ng ilang taon bago magbunga.

Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources naman ay naghahanda na ng mga fingerlings ng tilapia, ulang, hito, karpa at ayunging na mapalalaki lamang sa Taal Lake pag nawala na ang asupre dito.

Sabi ng DA, may pondo naman ang Philippine Crop Insurance Corp. para bayaran ang mga magsasaka’t mangingisda na kumuha ng insurance dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?