40

Feb 21, 2020 @ 18:05
By

P2.5M halaga ng smuggled yosi nasabat sa Zamboanga Sibugay

Umaabot sa P2.5 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang mini-van sa bayan ng Tungawon, Zamboanga Sibugay, Huwebes ng hapon.

Sa ulat ni Police Capt. Wabelin Tarroza, hepe ng Tungawon Municpal Police Station, unang nakatanggap ng ulat ang kanyang istasyon hinggil sa isang van na nagkakarga ng mga kontrabandong sigarilyo sa pantalan ng San Vicente kaya agad silang nagtungo sa lugar upang beripikahin subalit nakaalis na ang nasabing van.

Mabilis na nagsagawa ng follow-up operation si Tarroza kasama ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency at mga sundalo upang mahanap ang nabatid na van.

Pasado alas-tres ng hapon nang matagpuan nila ang van sa Purok Panagatan sa Barangay San Vicente at agad nilang inaresto ang sakay nitong nakilalang si Abdurasman Usman, residente ng Andalan Omar, Sulu.

Samantala nakatakas naman ang drayber ng van na si Hussein Aukasa.

Nakuha sa loob ng van ang 123 na kahon ng sigarilyo na naglalaman ng 50 ream ang kada isang box.

Base pa sa ulat, nakarehistro sa isang Salam Addah ng Barangay Mampang, Zamboanga City ang nabatid na shipment.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang managot at masampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?