409

By

P1M reward sa makakahuli sa presong hindi susuko, pero mas ok patayin – Duterte

Nag-alok si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang milyong pisong pabuya sa sinumang makakahuli sa mga presong nakalaya sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law na hindi susuko matapos ang itinakdang September 19 deadline.

Sa harap na rin ito ng ulat na halos wala pa sa kalahati mula sa humigit-kumulang 2,000 bilang ang sumuko sa mga awtoridad.

Ayon sa Pangulo, naibigay na niya ang deadline at nasa mga preso na ang desisyon kung susuko o mapapatay.

Nagbigay ang Presidente ng “dead or alive” na direktiba subalit mas gugustuhin niyang mapatay na lang ang mga ito para hindi na gagastusan ng gobyerno sa loob ng kulungan.

“Basta ako sinabi ko I will just set the timeline, and then the P1 million price is available to those who can capture them dead or alive. But maybe dead would be a better option, I will pay you smiling. Ibalik pa ‘yung preso makakain pa ‘yang p***i**** ‘yan. Gagastos pa ako,” anang Pangulo.

Matatandaang matapos mabunyag na may mga presong nakinabang sa GCTA kahit hindi kuwalipikado at napalaya ay iniutos ng Pangulo na sumuko ang mga ito at nagbigay ng deadline na 15 araw para boluntaryong sumuko.

Idedeklarang pugante at wanted sa batas ang mga hindi susukong preso at maaari aniyang patayin ang mga ito kapag lumaban sa mga awtoridad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?