170

By

P1M halaga ng ‘party drugs’ nasamsam ng PDEA

Umaabot sa P1 milyong halaga ng ecstasy na posibleng ibebenta o idedeliber na umano sa mga bar ang naharang ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) makaraang maaresto ang 38-anyos na hinihinalang ‘drug courier’ sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay PDEA agent Wenifredo Alagabia ng Special Enforcement Agency, ang suspek ay nakilalang si Carlo Santos, alyas Elmo, 38, at naninirahan sa ML Quezon St., Bagong Bayan, Taguig City.

Sa report sa PDEA, dakong alas-2:20 ng madaling araw ay nagkasa ang mga awtoridad ng buy-bust operation laban sa suspek sa Mother Ignacia, Avenue, Quezon City, nang makumpirma na nagbebenta ito ng ecstasy, at umanoy siya ring ‘supplier’ ng ‘party drugs’ sa ilang disco houses at night club sa Quezon City.

Nakumpiska mula sa suspek ang may 330 piraso ng umano’y tableta at 40 kapsula na ecstacy, na nagkakahalaga ng P777,000.00 at siyam (9) na bote ng energy drink na naglalaman ng 1,100, ml liquid ecstacy na nagkakahalaga ng P165,000.00 na aabot sa P942,000.00 ang nasamsam na sinasabing ‘party drugs.’

Ayaw naman magsalita ng suspek kung saan-saang club at bar sa Quezon City at sa iba pang lungsod sa Metro Manila siya nagsu-suplay ng mga nabanggit na ‘party drugs’ at nagsawalang kibo rin ito kung kanino siya kumukuha ng mga iligal na droga.

Si Santos ay nakakulong ngayon sa PDEA detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng RA 9165 o comprehensive dangerous drug act. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?