46

Mar 8, 2020 @ 17:49
By

P16M marijuana nasabat sa Bontoc, 4 timbog

Higit P16 milyon ang halaga ng marijuana bricks at marijuana tubular form na nakumpiska sa apat katao sa checkpoint ng pulisya sa Bontoc, Mountain Province, Sabado ng gabi.

Base sa ulat na pinadala ng Police Regional Office-Cordillera sa Camp Crame, dakong alas-9:30 ng gabi nang maharang ng mga tauhan ng Bontoc Municipal Police Station (MPS), Drug Enforcement Unit at iba pang ahensya ng pulisya ang isang itim na Chevrolet na may plakang AAF-5941 sa kahabaan ng national road, partikular sa Sitio Pakkil, Lower Caluttit, Bontoc, Mountain Province.

Lulan ng mga ito ang mga suspek na nakilalang sina Joseph Petilona, 35, isang army reservist; Mark Kevin Guzman, 21, Princess Gumma, 18, Nino Acio, 25, kasama ang isang 7-anyos na bata, at pawang mga residente ng Angeles City, Pampanga.

Sa paghahalughog sa loob ng sasakyan ay nakakuha ang pulisya ng aabot sa 109 marijuana bricks at 36 marijuana na nakalagay sa tubular form. Base sa isinagawang estimasyon ay aabot sa P16,080,000 ang halaga ng mga nasabat na iligal na droga.

Bukod dito ay nakakuha rin ang pulisya ng isang 9mm pistola na mayroong 2 magazine na kargado ng 20 bala.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Bontoc MPS ang mga suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?