43

By

P12K shorts dinekwat ng Tsino sa Greenhills

Arestado ang isang Chinese national matapos magnakaw ng mamahaling short at T-shirt na nagkakahalaga ng P12, 886 sa loob ng isang shop sa Greenhills Mall, Sabado ng gabi sa San Juan City.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Feng Chi Chi, nasa hustong gulang, Chinese national at walang matukoy na address.

Naganap ang insidente bandang alas-8:55, Sabado ng gabi, sa loob ng Vantage International na matatagpuan sa Bonaventure Plaza, Ortigas Ave. Greenhills, San Juan City.

Ayon kay Wendell Mitra y Moyo, 24-anyos, security guard ng Eslabon Security Agency, napansin niya ang kahina-hinalang kilos ng dayuhan at agad niya itong palihim na sinundan at naaktuhan na nagsisilid ng mga short at T-shirt sa loob ng kanyang dalang bag.

Agad na sinita ng sekyu ang suspek na papalabas na sana ng shop at hiningan ng resibo subalit walang maipakita ang hindi marunong magsalita ng English na dayuhan kaya dinala na lamang ito sa admin. office para maimbestigahan kung may kasama ito saka dinala sa San Juan Police station.

Narekober mula sa suspek ang walong assorted Forza MMA short pants; anim na assorted Forza MMA polo shirts na nagkakahalaga ng P12,886.

Dahil hindi marunong magsalita ng English language ang suspek ay dinala na lamang ito sa Chinese Embassy para sa tamang proseso ng pag-aresto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?