553

By

Otso Diretso olat dahil sa diskarte ni Kiko – mga analyst

Matapos ihayag ni Caloocan Rep. Edgar Erice na nagpalit ng campaign color si senatorial candidate Mar Roxas dahil natuto na ito sa pagkatalo noon sa 2016 presidential elections, kaparehong sitwasyon ang nangyayari ngayon sa Otso Diretso senatorial slate, na nauugnay sa kulay na “dilaw”.

Maliban kasi kina Roxas at Sen. Bam Aquino, bihirang makasingit ang mga pambato ng opposition slate sa tinatawag na “Magic 12” gaya nina Chel Diokno, Samira Gutoc, Romulo Macalintal, Erin Tañada, Gary Alejano at Florin Hilbay.

Batay sa pinakabagong resulta ng Pulse Asia survey, pumasok si Roxas sa ika-11 hanggang ika-16 na puwesto kung saan nakakuha siya ng 31.3 porsiyento ng mga respondent habang si Aquino ay bahagyang bumuti sa ika-11 hanggang ika-15 slot sa 33.8% votes.

May simpleng paliwanag naman dito ang campaign manager ng Otso Diretso at presidente ng Liberal Party na si Sen. Francis Pangilinan.

Aniya, ang pinakamalaking sagabal umano sa pag-angat ng kanilang mga kandidato ay ang kawalan ng “awareness” sa mga ito ng mga tao, na natatamo sa pamamagitan ng mahal na TV ads na hindi umano nila kayang pondohan.

Pero ayon sa mga analyst sa Inquirer report, watak-watak ngayon ang Otso Diretso dahil sa hindi maayos na strategy ng campaign manager na si Pangilinan.

Isang political strategist na nanalo ng kampanya noong 2016 elections ang nagsabi na umpisa pa lang ay “bad move” na ang naging diskarte ng Otso slate.

Mayroon aniyang dalawang “brands to build” ang opposition slate: ang Otso Diretso at mga individual candidate nito, pero mas pinili ng mga ito na pabanguhin ang una.

Ngayon umano ay mas popular na ang “Otso Diretso” kaysa mga kandidato nito.

Sa eleksiyon umano ay dapat mag-invest sa pagbuo ng brands pero mas pinili aniya ng Otso ang collective brand.

Dagdag pa niya, mahalaga sa Senate race ay “name recall” pero mas pinili ng opposition slate na magtuon sa brand na “Otso Diretso” na hindi naman pwedeng ilagay sa balota.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?