393

By

Otso Diretso, Lapid suportado ng Aksyon Demokratiko

Inihayag ng partidong Aksyon Demokratiko (Aksyon) ang kanilang pag-endorso sa Otso Diretso at kay dating senador Lito Lapid para sa eleksyon sa Mayo 13.

Ayon sa chairman ng Aksyon na si dating Tarlac congressman Hermie Aquino, naniniwala ang partido sa kakayahan, integridad at talino ng mga kandidato na kabilang sa Otso Diretso.

Opisyal na kandidato para senador ng Aksyon si dating solicitor-general Pilo Hilbay na kabilang sa Otso Diretso.

“Si Pilo Hilbay ay bar topnotcher at tunay na makabayan. Galing sa isang mahirap na pamilya, kinakatawan niya ang ating mga mamamayan upang maisakatuparan nila ang kanilang msa pangarap,” ani Aquino.

Kasama din na iniendorso ng Aksyon sina Bam Aquino, Chel Diokno, Samira Gutoc, Gary Alejano, Mar Roxas, Erin Tañada, at Romy Macalintal na mga kasama ni Hilbay sa Otso Diretso.

Inendorso rin ng partido si Lapid na ama ng senatorial candidate ng Aksyon Demokratiko noong 2016 na si Mark Lapid.

Ang Aksyon Demokratiko ay kabilang sa oposisyon koalisyon kasama ang Liberal Party, Magdalo at Akbayan.

Itinatag ng yumaong dating senador Raul Roco ang Aksyon noong 1997 kasama sina Atty. Lorna Kapunan at Sen. Leila de Lima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?