98

By

‘One-time, big-time’ sa Pasay, nakalambat ng 509 suspek

Nasa 509 na suspek ang naaresto ng mga tauhan ng Pasay City Police sa isinagawang “One-Time, Big-Time” operation sa loob ng 24 oras sa lungsod.

Dakong alas-10:00 ng umaga nang iprisinta nina Southern Police District (SPD) Director Police Brig. General Nolacso Bathan, Pasay City Police Chief Police Col. Bernard Yang at National Capital Region Police Office Director Police Major General Guillermo Eleazar ang mga nasabing bilang na naarestong suspek.

Ayon kay Yang, nasa 100 katao na sangkot umano sa iligal na droga ang kanilang naaresto, isa nahuli na may bitbit na baril, anim ang nahuling may dalang patalim, walo na may warrant of arrest at 451 na lumabag sa city ordinance.

Nakumpiska sa mga ito ang 164 na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang droga, 11 plastic sachet ng pinatuyong marijuana, anim na patalim, dalawang granada, tatlong kalibre .38 baril at isang kalibre .45.

Sinabi ni Yang na bagama’t masikip na ang Pasay City Jail, ilalagay naman ang mga nahuli sa mga detention facilities sa iba’t ibang police community precinct bago sila sampahan ng kaukulang kaso.

Ito na aniya ang pinakamalaking bilang ng mga naaresto simula na siya’y maupo bilang hepe ng Pasay City Police.

Samantala ikinatuwa naman nina Bathan at Eleazar ang naging accomplishment ng Pasay City Police sa isinagawang one-time big-time operation.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?