26
One Bangkal Chess aarangkada
By

One Bangkal Chess aarangkada

Ibinalita nina Asia’s First Grandmaster Eugene Torre at Rudy Ibanez ang labanan ng mga henyo sa “One Bangkal United Chess Fest w/ PCTAP” bilang bahagi ng nalalapit na Professional Chess Trainers Association of the Philippines (PCTAP) Chess Festival sa Barangay Bangkal covered court sa Makati City sa Setyembre 21-22.

“Napapanahon ang pagsulong ng mga ganitong tournaments para lalo pang pasikatin ang chess sa buong bansa,” wika ni Torre, na kasama si Ibanez sa TOPS “Usapang Sports” nitong Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Manila.

Inaasahan na marami ang mga lalahok sa One Bangkal United dahil na rin sa matagumpay na GM Rosendo C. Balinas Memorial Cup at National Women’s Chess Championship kamakailan.

“Katatapos lang ng Balinas Cup, na itinaguyod ng private sector sa pamamagitan ng Balinas family at National Women’s Championship, na sinuportahan ng gobyerno sa pamamagitan ng PSC. Ngayon naman itong One Bangkal chess tournament. Maganda ito para sa ating mga kababayan na mahilig sa chess,” saad ni Torre na naging kauna-unahang GM sa Asya noong 1974.

Ibinahagi rin ni Torre sa weekly forum handog ng PSC, NPC at PAGCOR ang kanyang kagalakan sa lumalagong chess sa bansa dahil na rin sa tulong ng mga private at government sector.

“Sabi nga, ang chess ay isang mental game. Malaki ang naitutulong nito sa kalusugan at maiwasan ang anumang sakit sa pag-iisip. Kaya maglaro tayo ng chess,” dagdag pa nito.

Ang mga magwawagi sa One Bangkal United ay makakatanggap ng cash prizes: champion-P2,500 at trophy; second placer P1,500; third placer P1,000; fourth placer P700; fifth placer P500. at sixth hanggang 10th placer P300 bawat isa.

Makakatanggap naman ng P250 ang mga kalahok para sa mga Top 10 Under, Top 8 Under at Top Female na suportado ng Barangay Bangkal, sa pamumuno ni Chairman Mario.

Para sa karagdagang mga impormasyon, tumawag kay Rudy sa mobile 0919 358 04 44 at Miles: 0942 045 85 44.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?