353

Nov 2, 2018 @ 11:01
By

OFW na nakaligtas sa bitay sa UAE nagpasalamat kay Digong

Nakabalik na sa bansa ang Pinay na nakaligtas sa parusang kamatayan sa United Arab Emirates (UAE) na si Jennifer Dalquez.

Sa pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), umiiyak nitong niyakap ang mga magulang na sina Alicia at Abdul Hammad Dalquez.

Umiiyak din ito habang nagpapasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa Philippine Embassy sa UAE, Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) dahil sa tulong sa kanya at kanyang pamilya.

Si Dalquez, 27-anyos, nagtrabahong domestic helpter sa Abu Dhabi, ay hinatulan ng bitay noong Mayo 2015 dahil napatay nito ang among Arabo na nagtangkang gumahasa sa kanya.

Pinawalang-sala naman ito noong Hunyo 2017 matapos na iapela ang kaso pero nakulong pa rin nang halos apat na taon dahil napatunayang nagkasala sa kasong pagnanakaw.

Bibigyan ito ng DFA ng tulong na P100,000 at $100, bukod sa naibigay nang tulong para sa mga naging abogado nito sa UAE.

May livelihood assistance naman ang OWWA at full scholarship hanggang kolehiyo para sa dalawa niyang mga anak na edad 10 at 8.

Ayon kay Dalquez, hindi pa niya tiyak kung uulit pa siyang magtrabaho sa ibang bansa.

Sa ngayon, gusto muna niyang makasama ang mga anak.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?