188
soco41
Apr 26, 2018 @ 19:01
By

Obrero inararo ng saksak sa Red Hotel

“Bago ‘to!”

Ito ang iniwang mensahe sa cardboard na isinulat sa pamamagitan ng dugo ng mga suspek matapos na burdahan nang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang isang obrero sa ginagawang gusali ng Red Hotel sa Cubao, Quezon City.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima na si Wharren Bucao, 20-anyos, binata, construction worker, helper, tubong Tanauan, Batangas at residente ng Sitio Muzon, Brgy.Puting Kahoy,Cavite.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Jerome Dollente ng CIDU-QCPD, natagpuan ang bangkay ng biktima sa barracks na nasa ika-apat na palapag ng ginagawang gusali ng Red Hotel sa no. 4 Pinatubo St., Brgy. San Martin De Porres, Cubao, dakong alas- 7:00 ng umaga nitong Miyerkules. Siya ay nagtamo ng limang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakatakas naman ang dalawang suspek na kasamahan sa trabaho ng biktima na sina Melencio Tamang at Dexter Galupo kapwa construction worker at kasalukuyan pinaghahanap ng mga pulis.

Huling nakitang magkasama ang biktima at ang mga suspek na sina Tamang at Galupo sa barracks nang ginagawang hotel building sa 4th floor dakong alas 3:00 ng madaling araw.

Matapos ito natagpuan na lamang ang bangkay ng biktima ng kanyang mga kasamahan na may tama ng saksak sa katawan.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa dalawang kasamahan ng biktima na itinuturing na pangunahing suspek sa krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?