65

By

Obrero, hinataw ng tubo sa ulo, sa ospital nag-Bagong Taon

Sa hospital na nagdiwang ng Bagong Taon ang isang construction worker na nawalan ng malay matapos magawang hatawin ng tubo sa ulo ng lalaking kanyang unang sinaksak kamakalawa ng hapon sa Paco, Maynila.

Nakaratay pa rin na walang malay sa Philippine General Hospital (PGH) ang suspek na si Roberto Panamogan, 50, construction worker at residente ng Agoncillo St., Paco, Maynila.

Habang ginagamot din sa nasabing pagamutan ang biktimang si Ruben Tukib, 42, construction worker at residente ng Dona Jasmine, Payatas, Quezon City dahil sa tinamong saksak sa braso at likod.

Sa imbestigasyon ni PO1 Oscar Lech Agpawa, ng Manila Police District -Station 5, naganap ang insidente dakong alas-4:45 ng hapon nitong Sabado sa panulukan ng Agoncillo at Escoda Sts. sa Paco.

Sa salaysay ng testigong security guard na si Khristopher John Daluy, 43, nakita niya ang biktima na duguan at tumatakbo at kasunod nitong lumutang ang suspek at sinaksak muli ang biktima sa likod pero sa pagkakataong iyon ay naitulak niya kaya bumagsak ang suspek at nakakuha ng tubo saka hinataw sa ulo ang suspek na hindi na gumalaw matapos mawalan ng malay.

Samantala, pinaghahanap naman ang isang alyas “Nerio” o “Rio” na tinatayang nasa edad 21-30, residente umano ng Alay Puso, Tondo, Maynila matapos patraydor na saksakin ang isang Sonny Cedano, 27-anyos na residente ng Gate 6, Barangay 656 Intramuros, Maynila.

Dakong alas-9:20 kamakalawa ng gabi nang basta na lamang saksakin ni Nerio si Cedano.

Hindi umano alam ng biktima na habang nakatalikod siyang nakaupo ay lumapit ang suspek at saksakin siya sa balikat at likod.

Hinarap lang niya ang suspek at nagawang mapigilan ang muling pag-unday ng saksak ng suspek dahilan para magtatakbo patakas ang suspek. (Juliet de Loza-Cudia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?