67

May 7, 2019 @ 14:46
By

Obispo sa mga botante: Ihalal mga kandidatong handang magsakripisyo

Muling nagpaalala ang diyosesis ng Bataan sa mga botante na maging mapanuri at pagnilayan ang mga taong ihahalal sa Lunes na karapat-dapat maging pinuno ng bayan.

Ayon kay Bishop Ruperto Santos, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI), mahalagang taglayin ng mga kandidatong iboboto ang mga katangian ni Hesus na handang magsakripisyo para sa nasasakupang mamamayan.

Sinabi ni Santos na dapat alalahanin ng mahigit sa 60 milyong botante si Hesus sa pagpili ng mga susunod na lider dahil Siya ang pinakakonkretong halimbawa ng mabuting Pastol na gumagabay sa kawan.

Una nang pinaalalahanan ng obispo ang mahigit sa 1.8 milyong overseas Filipino workers na nakiisa sa absentee voting na piliin ang mga kandidatong tunay na kakatawan ng kanilang sektor sa pamahalaan.

Bukod dito, mahalaga rin aniyang matiyak na tunay ang hangarin ng mga kandidato na maglingkod sa bayan at uunahin ang kapakanan ng mamamayan kaysa sa pairalin ang personal na interes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?