47

By

Number coding ipatutupad sa Camp Crame

Dahil sa dumaraming sasakyan sa loob ng Camp Crame ay magpapatupad na ng Unified Vehicular Volume Reduction Program ang Philippine National Police (PNP) simula sa Lunes, Hunyo 3.

Ayon kay Police Lt. Col. Ruben Andiso, Chief ng Operations and Management Division ng Headquarter Support Service, bawal na sa loob ng kampo ang mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa 1 at 2 tuwing Lunes; 3 at 4 tuwing Martes; 5 at 6 tuwing Miyerkoles; 7 at 8 tuwing Huwebes; at 9 at 0 tuwing Biyernes.

Paliwanag ng opisyal, umaabot kasi sa 5,412 ang mga sasakyan na pumapasok sa Camp Crame kada araw kung saan mayroon lamang 2,043 ang parking slots na mayroon ang bisinidad.

Maiuugnay umano ito sa mga kliyente na pumapasok sa Crame na kumukuha at nagpapa-renew ng lisensya sa baril, at nag a-avail din ng iba pang serbisyo ng PNP.

Samantala, nilinaw naman ng Headquarters Support Service (HSS) na exempted sa number coding ang sasakyan ng mga pulis na naka-assign sa National Headquarters, mga marked vehicles ng PNP at AFP, government vehicles na mayroong government plates, sasakyan na gamit ng foreign diplomat, sasakyan na may kargang tao na nangangailangan ng medikal na atensyon at mga sasakyan na mayroong Officer’s Row stickers.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?