939

Nickstradamus may babala kina Duterte, Robredo, Lacson, Moreno atbp.

Pinaalalahanan ng tinaguriang Nickstradamus Spirit Questor Celebrity Psychic na si Atty. Nick Nangit si Pangulong Rodrigo Duterte na maging maingat ngayong taon.

Ito ang resulta ng ginawang pagbasa sa tarot card ng sikat na psychic.

“Hindi lingid sa ating kaalaman na sa edad niya ay talagang may mga nararamdaman na siya at hindi na siya kasing sigla noong kanyang kabataan. Ingatan na lang ang kalusugan, kahit pa may mga bumabatikos,”ayon sa psychic.

Maganda pa rin ang taon ng Daga para sa isang Aries na ipinanganak sa Taon ng Rooster. Dala niya ang patuloy na pagbabago, para sa kabutihan ng lahat. Makokompleto niya ang maraming sinimulan na magdudulot ng kasaganaan at kaunlaran, lalo na’t may kinalaman sa Metal.

Hayaan lang niya ang mga ito, dahil ang mga may hindi magagandang iniisip sa kanya ay may katumbas na karma.

VICE PRESIDENT LENI ROBREDO

Unti-unting lalakas ang kalooban ng isang ipinanganak sa Taon ng Ahas, subalit may katigasan talaga ng ulo ang isang Taurus. Kumpara sa nakaraang Taon ng Baboy kung kelan ay marami siyang balakid. Ngayong Taon ng Daga ay maglalakas-loob na siya. Yun nga lang, hindi kasi talaga maganda ang simulain niya, kaya’t marami pa ring kapalpakan sa kilos at pag-iisip, lalo na sa pwesto ng mga planeta pag nag-retrogrades na.

MANILA MAYOR ISKO MORENO

Ang Scorpio na ipinanganak sa Taon ng Tigre ay makararanas ng maraming pagsubok ngayong Taon ng Daga. Kasundo naman niya ito subalit marami pa rin siyang mabubuksan na ikinubling kalokohan na mabibigyan naman niya ng kalutasan. Maraming tutulong sa kanya. Ingatan lang na ‘wag siyang magpapadala sa alok ng salapi.

SENADOR PING LACSON

Mabigat ang Taon ng Daga para sa isang Gemini na ipinanganak din sa parehong taon. Yun nga lang, hindi kasundo ng elemento niyang Kalupaan ang elemento ng Metal. Marami siyang masasabi o gagawin na sasablay. Mahihilig pa niyang pasukin ang mga usaping may tunggalian. Kailangan niyang tanggapin agad kung anumang pagkakamaling magagawa niya at pairalin ang pagiging maabilidad para hindi bumigat lalo sa kanya ang taon. Sabagay, magaling diyan ang mga Daga.

PASIG MAYOR VICO SOTTO

Ang Gemini na ipinanganak sa Taon ng Ahas ay makararanas ng kaunting ginhawa sa Taon ng Daga. Yun nga lang, mahilig pa rin siyang sumawsaw sa mga usapin na sablay naman ang mga gagawin niya, dahil tatakbo sa isip niya ang maraming salu-salungat na kaisipang lalong magpapagulo ng sitwasyon. Sana isipin niya ang kapakanan ng nakararami at ihiwalay na ang sarili sa lumang mundo.

ALYSSA VALDEZ

Ang Cancer na ipinanganak sa Taon ng Rooster ay maaaring dumating sa puntong mamimili siya ngayong Taon ng Daga. Makararanas din siya ng katamlayan, kapag hindi makuha ng mga kasamahan niya ang gusto niyang mangyari. Sa larangan ng pananalapi, hindi siya makukulangan.

JAMES REID

Sa Taon ng Daga, ang Taurus na ipinanganak sa Taon ng Rooster ay makararanas ng kawalan ng kompiyansa sa sariling kakayanan, dahil sa epekto ng mga planeta. Pero hindi naman siya mawawalan ng pag-asa at ipagpapatuloy pa rin ang mga nasimulan. Yun nga lang kinakailangang may gawin siyang kakaiba para mapansin muli.

NADINE LUSTRE

Dala ng Scorpio na ipinanganak sa Taon ng Rooster ang depresyon ngayong Taon ng Daga. Maaaring may malaking pagbabagong mangyari sa kanya na dala ng kapangahasan. Tiyakin lang ng pamilya niya na unawain siya at ‘wag pa ring mawalan ng pag-asa.

SENADOR MANNY PACQUIAO

Maaaring maging mabigat ang Taon ng Daga sa isang Sagittarius na ipinanganak sa Taon ng Kabayo. Magkalaban ang dalawang taon na ito, pero nasa marami niyang nagawang kabutihan at nasa ina rin niya ang lakas na magdudulot pa rin ng tagumpay. Ipagpatuloy lang niya ang mga mabubuting nasimulan, kahit ano pa ang mapansin laban sa kanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?