57
killer
By

Negosyante todas sa hired killers

Patay ang isang negosyante matapos itong pagbabarilin ng dalawang suspek na pinaniniwalaang miyembro ng gun for hire group kamakalawa ng hapon sa bayan ng Magpet, North Cotabato.

Agarang namatay sa lugar ng insidente sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si John “Toto” Navarro Biancaflor, 35, may negosyong palayan at residente ng Barangay Maleri sa bayan ng Antipas ng nasabing lalawigan.

Ayon kay Sr. Insp. Jose Maria Molina, hepe ng Magpet Police, naganap ang insidente dakong alas-singko ng hapon sa Barangay Poblacion ng bayang ito.

Lulan ng kanyang motorsiklo ang biktima at tinatahak ang nasabing barangay nang sabayan ito ng dalawang suspek na nakasakay din ng motorsiklo.

Armado ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang backride na suspek ay malapitang binaril sa ulo ang biktima at sinundan pa ito ng isang putok sa dibdib ng negosyante na agad natumba sa sinasakyang motorsiklo.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek diretso sa sentro ng bayan ng Magpet.

Ayon kay Molina, malaki ang paniniwala ng pulisya na mga bihasang hired killers ang mga suspek dahil sa kabila ng nakasakay ng motorsiklo ang biktima ay nasapul pa rin ito sa target na ulo at kaliwang dibdib na parehong nakamamatay.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at sa motibo ng pamamaslang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?