31

Feb 2, 2020 @ 18:41
By

Negosyante tinodas sa fruit stall

Patay ang isang negosyante matapos itong barilin ng hindi pa kilalang salarin habang nagbabantay sa kanyang fruit stall sa Calbayog City, Linggo ng umaga.

Nakuha pang isugod sa pinakamalapit na pagamutan subalit dineklarang dead on arrival dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan ang biktimang nakilalang si Mary Ann Rumhor, 46 anyos.

Sa ulat ni Police Lt. Col. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Eastern Visayas PNP, naganap ang insdiente dakong 5:55 ng umaga, Pebrero 2, habang nasa loob ng kanyang fruit stall ang biktima na matatagpuan sa Barangay East Awang ng nabatid na lungsod.

Isang lalaki umano ang pumasok sa kanyang tindahan at malapitan itong binaril bago mabilis ding tumakas sakay ng isang motorsiklo.

Nakuha pang isugod sa Our Lady of Perpetual Help hospital si Rumhor pero hindi na ito umabot pa nang buhay.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pamamaslang.

Napag-alaman pa sa pulisya na si Mary Ann ang ikatlong biktima sa pamilya Rumhor na pinaslang, matapos patayin ang dentistang si Vicky Rumhor nitong Abril 2019 at isa pang kaanak na si Catherine Rumhor Johnson noong 2018.

Ang lahat ng pamamaslang sa pamilya Rumhor ay pawang unsolved cases sa kabila ng pagbibigay ng P3-milyong pabuya ng pamilya para sa makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa pagpatay sa dalawang naunang kaso ng pagpatay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?