384

By

Narco cops protektado ng opisyal ng PNP – Drilon

Isang high-ranking official ng Philippine National Police (PNP) ang lumalabas na nagbibigay ng proteksiyon sa ilang tiwaling mga pulis na sangkot sa diumano’y kalakalan ng iligal na droga.

Ito umano ang ibinunyag ni dating Criminal Investigation and Detection Group chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa executive session kasama ang mga senador, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.

“May high-ranking active police official whose fault was not punishing, and appeared to be protecting, his men who are involved in the drug trade,” pahayag ni Drilon sa panayam sa dzMM kanina, Setyembre 20, 2019.

Ang executive session ay hiniling ni Magalong matapos nitong ibunyag sa Senado ang tinatawag na “agaw-bato’ scheme kung saan ilang mga tiwaling pulis ang nagbebenta ng iligal na droga na nakumpiska nila sa kanilang mga operasyon.

“’Yan po ang kanyang [Magalong] deklarasyon: that there is an active high police official who did not impose discipline or penalty on his people who are reported to be involved in the drug trade,” sambit ni Drilon.

Subalit ang naturang opisyal ay walang direktang partisipasyon sa naturang raket, ayon kay Drilon.

“Walang sinabi na kumita or directly kasabwat itong opisyal na ito, either negligence or because of loyalty to his men, hindi po naparusahan,” ani Drilon.

Ang “agaw-bato” raket na binunyag ni Magalong ay kahalintulad ng pag-recycle ng iligal na droga ng mga pulis na nauna nang nilantad ni Philippine Drug Enforcement Agency chief Aaron Aquino.

Sa pagdinig sa Senado noong Huwebes, inihayag ni Magalong na sasabihin ng tiwaling pulis sa kanilang superior na tagumpay ang kanilang drug operation subalit konting bahagi lang ng droga ang isusuko ng mga ito para gawing ebidensiya.

At ang malaking bahagi ng nakumpiskang droga ay ibebenta naman umano ng mga ito sa merkado sa mas murang halaga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?