93
Nanggahasa ng 9-anyos sa Cainta, timbog sa QC
By

Nanggahasa ng 9-anyos sa Cainta, timbog sa QC

Nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaki na itinurong dumukot, nang-rape at nagtangka pang patayin ang 9-anyos na batang babae sa Cainta, Rizal.

Hindi na nakapalag ang suspek na si Pepito Tagal, 39, nang arestuhin ng mga awtoridad sa No. 515 Nicolas Compound, Boni Serrano Avenue malapit sa kanto ng 20th Avenue, Barangay San Roque sa Cubao, Quezon City.

Batay sa report kay QCPD Director, Police Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., natunton sa isinagawang follow-up operation ng mga operatiba ng Cubao Police Station 7 ang suspek dakong alas-11:51 ng gabi (Pebrero 26) sa No. 515 Nicolas Compound, Boni Serrano Ave., malapit sa kanto ng 20th Ave. Brgy. San Roque, Cubao.

Agad na pinosasan si Tagal na natutulog sa loob ng traysikel at nakumpiska mula sa kanya ang isang ice pick at improvised Swiss knife.

Positibong itinuro ng isang testigo si Tagal na siyang dumukot sa biktima noong Pebrero 25 ng umaga sa Sitio Batasan, Barangay San Juan, Taytay, Rizal.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang panggagahasa at tangkang pagpatay sa bata.

“Wala akong alam sa panggagahasa na ‘yan…Hindi totoo iyon. Ako lang siguro ‘yung itinuro nila kasi barkada ko ‘yung tatay nun,” ayon kay Tagal.

Halos agaw-buhay na natagpuan ang biktima na nakatali at puno ng pasa at nagsusuka ng dugo sa ilalim ng Mapandan Bridge sa Ortigas Avenue Extension sa Barangay San Juan sa Cainta.

Kinumpirma rin ng paslit na sinakal at hinalay siya.

Nabatid na si Tagal ay una nang napiit ng 13 taon sa New Bilibid Prison dahil sa pagnanakaw.

Lulong din umano ang suspek sa paggamit ng iligal na droga.

Nahaharap si Tagal sa kasong rape at paglabag sa Child Abuse Law.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?