64

Nakitang kakulangan sa NAIA, tinutugunan na – DND chief

Walang nakikitang epekto ang Department of National Defense (DND) sa umiiral na security set-up ng bansa sa inilabas na travel advisory ng United States Department of Homeland Security laban sa pangunahing airport sa bansa.

Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nakita nitong tinutugunan na ng mga opisyal ng Ninoy Aquino International Airport ang nakitang “lapses” ng Homeland Security ng Amerika.

Pangunahin aniyang isinasaalang-alang ng gobyerno ang kapakanan at kaligtasan ng publiko kaya hindi dapat na mag-alala ang mga tao.

“Wala naman yata. Advisory lang naman ito dahil may nakitang lapses sa ating NAIA and I believe, I saw the manager of NAIA that they are addressing, trying to say na hindi naman totoo lahat ‘yon,” ani Lorenzana.

Sinabi ng kalihim na on track ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at mga ahensiyang nakakasakop sa pagpapanatili sa kaayusan at kaligtasan ng mga paliparan para hindi ma-blacklist ang bansa.

Kapag aniya na-blacklist ang Pilipinas ay wala nang darating na international flights na masama para sa mga biyahero lalo na ngayong holiday season na maraming nagbabakasyon at mga dayuhang turista na nagtutungo sa Pilipinas.

“I believe that they are on track on addressing these concerns so that hindi tayo ma-blacklist,” dagdag pa ni Lorenzana. (aileen taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?