82

Sep 26, 2019 @ 20:03
By

Nagtigil-pasada: Prangkisa ng 20 PUV operator binawi

Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na kinansela ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng 20 public utility vehicle (PUV) operator dahil sa pagsali sa transport strike noong 2017 na pinangunahan ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).

Wala naman umanong natatanggap na komunikasyon mula sa LTFRB ang mga miyembro ng PISTON.

Ayon kay PISTON NCR president Mody Floranda, wala pang nakukuhang notice ang kanilang organization hanggang ngayon para sa binibintang ng LTFRB na 2017 pa nangyari.

Sabi ni Floranda, bahagi ito ng panggigipit na ginagawa ng administrasyong Duterte lalo na’t nakakasa na ang isa pang malawakang transport strike sa September 30.

Sa statement ng DOTr, sinabi ni LTFRB chair Martin Delgra III na pinagbabawal sa LTFRB Memorandum Ciruclar No. 2011-004 ang paglahok sa anumang klase ng protesta na magdudulot ng abala sa mga pasahero ay paghamak sa prangkisang ipinagkatiwala sa kanila.

“Lumabag sila noon, harapin nila ang kinahinatnan ngayon. Hindi kami mangingiming ipatupad ang kautusang ito dahil hindi isinaalang-alang ng mga nagtigil-pasada ang kapakanan ng mga pasahero. Ang laki ng aberyang dinulot nito sa publiko,” sabi ni Delgra.

Hindi pinangalanan ng DOTr ang mga operator at tsuper na kinanselahan ng prangkisa at wala rin sa Memorandum Circular No. 2011-004 na kanselasyon ng prangkisa ang kaparusahan sa pagpoprotesta.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?