135
Nagtambak din ng basura: Palasyo dismayado sa Australia
By

Nagtambak din ng basura: Palasyo dismayado sa Australia

Hindi pa man natatapos ang isyu sa basura ng Canada na itinambak sa Pilipinas, panibagong insidente ng pagtatapon ng basura ang ginawa ng Australia.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nakakainsulto ang ginagawa ng ibang bansa dahil ginagawang tapunan ng basura ang Pilipinas.

Hindi aniya papayagan ng gobyerno na masalaula ang bansa tulad ng ginawa ng Canada kaya’t ipapabali din ang mga basura ng Australia.

Nagtataka si Panelo kung paanong nakakapasok sa Pilipinas ang mga basura ng ibang bansa dahil mahigpit na ipinagbabawal ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“That will be our stance. It will be offensive to this government to be a recipient of trash or ‘basura.’ We are offended by that. We will not allow it. We’ll send them back,” ani Panelo.

May duda ang kalihim na hindi idineklara ang totoong laman ng mga container van kaya nakalusot ang mga basura ng Australia.

Una nang sinabi ni Bureau of Customs Collector John Simon na nasabat nila ang pitong container van ng basura galing Australia sa Mindanao Container Terminal nang kuwestiyunin ang dokumento ng mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?