228

By

Nagpapautang ng 5-6 inutas ng mga holdaper

Patay ang isang lalaking nagpautang ng 5-6 matapos na ito ay barilin ng mga hinihinalang holdaper sa Sta. Cruz, Laguna, Miyerkoles ng gabi.

Idineklarang dead-on-arrival sa Laguna Medical Center ang biktimang kinilalang si Dodie Velasco, tubong Jaen, Pangasinan at residente ng Sta. Cruz.

Batay sa report ng Sta. Cruz police, nakita ng isang motorista ang biktima na nakabulagta sa madilim na bahagi ng kalsada sa Barangay Bubukal alas-9 ng gabi.

Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng putok ng baril at ugong ng isang sasakyan na humarurot papalayo.

Nawawala rin ang motorsiklo ng biktima na nakitang sinasakyan nito bago nangyari ang insidente.

Posible umanong pumalag ang biktima sa mga humarang sa kanya.

Isinisisi naman ng mga residente ang pangyayari sa kawalan ng ilaw ng lugar na daanan ng maraming residente at mga motorista.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa pangyayari at inaalam kung target talaga ng mga suspek ang biktima o siya ang natiyempuhan lamang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?